Thursday, November 10, 2016

Mantsa sa Pakikisama

Habito
Imprimatur ng Pananampalataya


Iniibig ba natin ang ulan sa  tuwing inililigtas  tayo ng teologia
Mula sa  pangangamba hanggang sa  pagbubuntung-hininga?
Pandaraya sa hangin ang hatol sa alaala hinggil sa kasaysayan
Ng mga Pransiskanong kastila na tumapak sa lupang kinagisnan.
Sila ang simbolo ng takot sa altar at misyon ng krus sa Pilipinas

Markadong Hunyo 24,1578 nang mapuwing tayong mga bulag.
Kumpas ng krus ang kanilang ipinahayag: mga lumang simbahan,
Reduccion ng istraktura dito sa calabarzon o hindi kaya'y nagsalin
Ng Pater Noster – Ama Namin, at nakipagtipan ang Doctrina Christiana
Sa Baybayin; pati sa wikang inalipusta, subalit nagkaroon ng pag-iimbot.

Kinampay ang palad sa lugar ng Maynila, Laguna, Rizal at Quezon;
Nagtayo ng mga samu't samot na eskuwelahan para sa mga Mestiso
At hospital para sa Indio. Takot tayo na waring walang pakiramdam.
Sila ang pastol na nakahabitong kayumanggi habang kumakaluskos
Ang kadena ng pananampalaya sa pagsamba sa Santisima Trinidad.

Hayaang balikan ang bulong ng pawis ng habitong kulay kayumanggi.
1209 nang maarawan ito. Sinuot ni San Pransisko ng Assisi. Natapos,
Habang kanyang sinimulan ang metanoia. Habitong kulay kayumanggi,
Hulagway ng pagkalupa. Habitong kayumanggi, Simbolo ng kapatiran,
Pagkatimawa sa alimoong saksi ng ritong namumutalang pagsamba.

Subalit, dito sa Lucena, nawaglit na anino, ang habitong kayumanggi.
Pilat sa bayan: heograpiya ng simbahan, kultura lalo na ang tradisyon.
Ito ang mantsa ng teologia sa aming bayan: sinamba ang habitong puti:
Pilit kinukusot ang ating pananampalataya sa pagtaya: Sa santo at rito
Ng pagibig kay Bathala,gamit ang salitang umaalila sa pananampalataya.

Silang pastol na pinagsisilbihan ng mga tupa sa kalunsuran – Habitong Puti:
Kinakatakutan, sinasamba, hinahangaan, sa halip, hindi dapat mamantsahan.
Kahit itinakda ng habito ang kultura ng ating pananampalataya kay Bathala
Ito ang pag-ibig natin sa patak ng ulan sa tuwing inililigtas  tayo ng Teologia
Mula sa dikta ng pangangamba hanggang sa pagbubuntong-hininga. 



Elemento sa Elemento
Pag-ibig sa Astrolohiya Kaysa sa Kanya


Sinamba ang patakda ng astrolohiya ng dalawang elemento
Sa kinagisnang simbolo ng sodyak. Umikot ang ating tiwala:
Umaasang walang daluyong sa pagdaop ng ating mga palad.

Nagmula ka sa planetang Ketu na sinakop ang kahinaan ko.
Ngunit, pinabayaan mong matakot sa inakala mong masaya
Kasabay sa pag-alaalang nagbigay-takot sa pagiging Rahu.

Pinagtipan ang dalawang elemento sa loob ng apat na sulok.
Ikaw ang mukha ng hangin at ako ang kinatawan ng tubig.
Pahimakas ang tadhana sa mga paratang ng bawat simbolo.

Natutunan kong lumipad sa inakala kong pagdaloy lamang.
Ginambala niya ang katahimikan sa pag-angat ng aking paa
Sa karagatan. Hinayaan kong yapusin ng hangin ang tubig.

Niyapos ng pag-ibig ang pagkakaiba, kaya pinabayaan kong
Hubarin mo ang aking kaluluwa kasabay sa titig ng inaasam.
Nagtiwala tayo sa halik ng kulog at kidlat ng ating daluyong.

Sigwa ang hudyat kung ipagpapatuloy pa ang ating tipanan
Kasabay sa alon ng sumpa ng kakayanan ng ating pag-ibig:
Siguro nga’y bagyo tayo, sa pagsasama ng tubig at hangin.

Kailangan na sigurong hindi na umangat sa aking pagdaloy
Upang madama ulit ang lamig ng hangin sa iyong paghinga.
Dahil, umasa akong walang bagyo sa tipanan ng ako at ikaw.



Sa May Bilibid
Kung Saan ang Pag-asa’y Tinititigan

Pilit kong sinuka ang kaba upang hindi makita ng ilan
Sapagkat kapalaran ang pagpasok sa pader ng buhay nila.

Mula sa unang pinto hanggang sa panglimang bulwagan,
Seguridad ang iniimplimenta: kapkap mula sa kili-kili,

Sinundan sa buka ng bibig, bewang, mapa-sinturon at singit.
Kahit sa maselang bahagi ng katawan, kapkap ang hatid.

Panglimang bulwagan, makikinig ang mga alingawngaw.
At noong sinara ang pinto, doon ako napagpawisan ng lamig.

Nakatitig ang lahat sa aking pagdating, sabay lapit ng nakaputi.
Pagtungo na lang ang sinambit sa mga salitang “takot” at “hinagpis”.

Iba ang init ng labas kumpara sa init ng loob ng apat na sulok
Mula sa init ng New Bilibid Prison at mga preso ng brigada.

Mistulang talipapa ang mundo. Brgy. Holy Spirit ang kabahayan.
Pedikab na paikot-ikot, tennis, at basketball na tambayan nila.

Mayroong pagupitan at nagtitinda ng sigarilyo at candy sa parke.
Pag masakit ang pangangatawan, mayroong lugar para sa masahe.

Ang paghinga sa bilibid ay parang nasa labas ng mga bakod doon.
At nakakabaliw kung ang pananatili doon ay walang katiyakan.

Espirito bilang misyonero ang pinanghawakan ko mula noong una 
Ang pangnginig ng kalamnan sa takot ay naigpawan ng kagalakan.

Pasan ko ang krus ng Diyos upang ibahagi ang minamabuting balita.
Ngunit baliktad ang pananampalataya: ako ang na(t)uto sa buhay nila.

Akala ko, wala pa ang Diyos sa buhay nila dahil sila ay makasalanan.
Pero tila mantsa sa puting habito ang aking bintang ‘pagkat may kulay

kayumanggi. Husga at paratang ang naipataw sa mga may sakit ng lipunan
gaya nila. Subalit ako pala ay kabilang at hindi maaaring basta itatwa.

Hindi maaaring mahiwalay ang preso, at ako sang-ayon, pananampalataya:
Ang simbahan ay tahanan ng makakasalanang tulad ko patungo sa pag-asa.

Ngunit iba ang pagbanaag ng ilan sa ating mga ipiniit sa talinghaga ng sala.
Di gaya sa simbahan moog ng makakasalanan, hindi mga santo.

Siguro nga’y pilit kong nilumod ang suka upang makamtan ang pag-asa.
Sapagkat, kapalaran ang makatatawid sa hinuhusgahang buhay nila.


***

Kalahok ang mga tulang ito sa Saranggola Blog Awards 8 2016.



No comments:

Post a Comment