Thursday, November 10, 2016

Mata sa Mata

Ipinahayag niya sa pagpikit ang tiwala
sa aking pag-alis dahil sa dikta
ng pareho naming pangangailangan.

Buntong hininga at pagtataka
ang aking pakiramdam, na sana niyakap ko
ang pagtitig ng ilaw sa poste habang umuulan.

Hinihintay ko ang jeep pa-Gulanggulang
Na tila milya-milya ang agwat
mula sa dilim hanggang sa liwanag.

Kasabay ng paghadlang ng luha,
nagluluksa ang langit at sulyap
sa liwanag ng relo ang aking paghihintay.

Urong-sulong: dapat bang lisanin
ang pinili at yakapin ang pagtanaw sa ilaw
habang humahanga sa karimlan?

Magaan akong humakbang paalis
hanggang sa masumpungan ang pares
ng mga titig at hinagpis:

Isang seminaristang tila blangko ang mga mata
Ngunit nagbabaga at nakapapaso

ang pagsilip niyang wari'y gusto kang makilala.


Kabilang sa Kalipunan ng Tula na
Ang Habito at Iba Pang Tula sa Talinghaga ng Mantsa ng Teologia

No comments:

Post a Comment